Monday, June 25, 2018

Tambay

Sa aking paggising una kong gagawin
Lumabas ng bahay diyan sa may amin
'Di na nakuha pang manalamin
Maghahanap muna ng uulamin
Nakakahiya mang aminin
Ganito ang buhay naming nasa ilalim
Araw-araw sadyang malagim
Sa tatotoo lang nakakarimarim

Sa kanto maghapong nakatunganga
Nakanganga walang laman ang bunganga
Pero ang mas lalong nakakabahala
Kami raw ang mapipinsala
'Pag lumabas, kami na raw ang bahala
Siguradong tampulan ng hinala
Sa kalabaso kami raw ang may sala

'Di ko lang mawari
Mga ganitong pangyayari
Paki paliwanag bakit kami 
ang niyayari
'Di naman kami nagkukunwari
Hirap na sa buhay sa kulungan pa ang hantungan
Oo minsan kami ay batugan
'Di ba nga dapat kami ay tulungan

Tuloy ayoko ng lumabas
Mahirap nang mabalasubas
Mga parak paikot-ikot sa labas
Magpapatubo ng lang ng balbas
Dito sa loob ng bahay alam kong ligtas
Oo minsan kami ay matigas
Pero sa palabas mo Digong sana lahat kami makaligtas

Lahat ng tao ay may karapatan
Kaya mo ba 'yang tapatan
Huwag mo naman kaming tapakan
Alam naming 'di kami uubra ng sapakan
Ganito na lang pag-iisip mo ay lawakan
Ayusin mo ang bayan at huwag mo kaming hawakan
Dito sasaya lahat pati buong kalawakan

Inspired by Sir Joel Saracho and Sir Deo Almazan-Bugaoisan!

No comments: