Monday, October 26, 2020

Walang Hanggan

Sa pagpikit ng iyong mata 
Hatid nitong sakit 'di ko alintana 
Kamay mong umalalay sa akin 
Puso ko na iyong inangkin 
Kailanman 'di ko na maibabalik 
Sa iyong pag-alis baonin mo aking halik 

Ikaw na aking naging sandigan 
Takbuhan ko at naging kaibigan 
Mga payo mong tumatak sa aking isipan 
Hanggang ngayon ay palaisipan 
Paano na kung ikaw ay wala na 
Kanino tatakbo kung ikaw ay nasa langit na 

Yakapin mo ako ng mahigpit 
Sing higpit ng iyong malupit na kapit 
Pagmamahal mo 'di ko kailanman ipagpapalit 
Buhay na iyong inalay sa amin
Mga hirap at sakripisyong iyong tinanim 
Papahalagahan ko at pananatiliing amin 

Hindi ko alam kung papaano 
Lagi na lang nakasunod sa iyong anino 
Ikaw lamang ang hinangaan at inidolo 
Ngayong tuliro at humihingi ng saklolo 
Buhay namin ngayon tiyak magbabago 
Bagamat't kabado patuloy akong tatayo 

Malaya ka na ngayon sa sakit 
Malayo na sa lahat ng pasakit 
Magpahinga ka na at muling ngumiti 
Kami muna ang magdadalamhati 
Yayakapin magagada mong alaala 
Na sa amin ay iyong ipinagkatiwala 

Walang hanggang paalam 
Itay iyan ang gusto ko iyong malaman 
Kahit saan ka man o anuman 
'Di ka mawawala sa aking isipan 
Puso ko'y muli mong hawakan 
Hanggang sa uli ikaw lang ang aking hahagkan

No comments: